Isinabay na umano ng BRP Davao del Sur sa kanilang biyahe pabalik ng Pilipinas ang 12 Pilipinong turista at overseas workers matapos ang kanilang stopover sa Colombo, Sri Lanka.
Kasunod ito ng pagsundo sa 18 Pilipino sa katabing bansa na India.
Sa pahayag ng Philippine Navy, dumaan muna ang BRP Davao del Sur at BRP Ramon Alcaraz (PS16) sa Sri Lanka upang sunduin ang na-stranded na mga Pilipino dahil sa travel restrictions bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Matapos mapatunayang negatibo sa COVID-19 ang mga repatriates, agad na silang pinasakay ng Davao del Sur.
Magkapareho lamang aniya ang protocols na ipinatupad sa onboarding process sa India at Sri Lanka kung saan inilagay sa magkahiwalay na kwarto ang dalawang batch habang mahigpit na binabantayan ng medical team.
Mula sa Sri Lanka ay maglalayag na ang dalawang barko patungo sa South Harbor sa Maynila pagkatapos mag-replenish ng tubig at langis.
Ayon pa sa hukbong dagat, wala raw sa plano ang repatriation sa 12 karagdagang Pinoy at mistulang suwerte pa raw ito lalo pa’t maantala ang pag-uwi ng barko sa bansa.
Noon pa sana nakauwi ang mga barko sa bansa, ngunit na-delay dahil sa iba’t ibang mga dahilan.
Kinailangan nilang maglayag patungo sa Cochin, India upang sunduin ang ilang mga Pinoy, at nag-donate rin sila ng mga face masks.
Gayunman, dalawang crew members ng BRP Ramon Alcaraz ang sugatan matapos masunog ang engine room ng barko ilang oras lamang matapos makaalis sa Cochin.
Maglalayag din sana nang mag-isa ang Davao del Sur ngunit kinailangan nitong bumalik para makaiwas sa super cyclone sa Bay of Bengal at sa Andaman Sea.