-- Advertisements --

Makikibahagi ang BRP Gabriela Silang (OPV-8301) sa Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) 2024 sa pagitan ng mga Coast Guard ng Philippines, Indonesia, at Japan.

Ito ay gaganapin sa susunod na linggo sa Bacolod City.

Ang MARPOLEX 2024 ay isang maritime exercise para palakasin ang inter-operability ng PCG, Directorate General of Sea Transport (DGST) ng Indonesia, at Japan Coast Guard (JCG).

Palalakasin din dito ang kahandaan at kapabilidad ng tatlong bansa sa pagtugon sa oil pollution sa mga karagatan, at iba pang problema sa karagatan.

Sa ilalim nito, ipapakilala rin ang mga bagong taktika, istratehiya, at epektibong assessment sa mga nangyayaring oil spill.

Ang naturang aktibidad, ayon sa PCG, ay bahagi na rin ng pagnanais nitong maprotektahan ng maayos ang marine environment ng bansa, at makatugon sa mga problema sa karagatan.

Samantala, kaninang umaga, June 19, ay nagsagawa ng send-off ceremony ang Coast Guard District Southeastern Mindanao para sa BRP Gabriela Silang sa Davao City.

Ang naturang barko ay magtutungo na sa Bacolod City at habang hinihintay ang sasalihang MARPOLEX 2024 sa susunod na linggo ay tutulong muna ito sa nagpapatuloy na Humanitarian Assistance and Disaster Response efforts sa lungsod, kasunod ng nangyaring pagputok noon ng bulkang Kanlaon.

Ang BRP Gabriela Silang ay dating nagsilbi bilang flagship ng PCG. Ito ay kasalukuyang pinamumunuan ni CG Capt. Lawrence Roque.