Nakarating na sa Subic, Zambales ang kauna-unahang missile-capable warship ng Philippine Navy na BRP Jose Rizal (FF150) matapos ang limang araw na paglalayag mula Ulsan, South Korea.
Sa pahayag ng Philippine Navy, nitong Sabado nang bigyan ng tradisyunal na passing honors ang barko, sa pangunguna ng BRP Andres Bonifacio at tatlong multipurpose assault crafts (MPACs).
Ayon kay Offshore Combat Force Commander, Commo. Karl Decapia, ang pagdating ng frigate sa bansa ay senyales na naisasakatuparan na ang modernisasyon ng hukbong dagat ng bansa.
Sa hiwalay na pahayag, binati ni Philippine Fleet commander, Rear Adm. Loumer Bernabe ang lahat ng crew ng FF150, magiong mga kinatawan ng PN Frigate Owners, at supprt team mula sa South Korea.
“We are one with the Filipino people in expressing our profound gratitude in bringing pride and honor to the Philippine Navy and the AFP,” wika ni Bernabe.
“Our countrymen expect nothing less than the selfless and honorable service that we in the Fleet have sworn to uphold and protect. I enjoin everyone to sustain the momentum that you have gained and continue to aspire for competence and excellence,” dagdag nito.
Habang nakadaong, sasailalim sa dalawang linggong quarantine ang crew ng FF150 bilang pagtalima sa health protocols na ipinatupad ng pamahalaan.
Matapos naman ang quarantine period, isasagawa ang technical inspection at acceptance sa naturang frigate.
Itinakda rin ang payak na arrival and commissioning ceremony sa Hunyo 19, na nataon sa birth anniversary ni Dr. Jose Rizal kung saan ipinangalan ang barko.