Nilinaw ng Philippine Navy na hindi muna ide-deploy para sa isang misyon ang kauna-unahang missile-capable frigate ng Philippine Navy na BRP Jose Rizal (FF150).
Matatandaang noong Sabado nang dumating sa bansa, partikular sa Subic, Zambales, ang FF150 matapos ang limang araw na paglalayag mula Ulsan, South Korea.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay LCdr. Maria Christina Roxas, spokesperson ng Philippine Navy, kailangan munang sumailalim sa trainings ang mga crew at dadaan din muna sa endurance test ang barko.
Paliwanag pa ni Roxas, para masubukan ang kakayahan ng frigate, lalahok sa isang buwang Rim of the Pacific Exercises (RIMPAC) 2020 ang FF150 na gaganapin sa Hawaii sa buwan ng Agosto na iho-host ng US Navy.
Sa pamamagitan aniya ng nasabing joint military exercises, masusubukan ang kapabilidad ng barkong pandigma.
“Dito makikita at mae-evaluate natin ‘yung training na natutunan ng mga personnel natin noong nandoon sila sa Korea. Masusubukan din natin yung barko sa kaniyang endurance test habang ito ay nasa warranty period,” pahayag ni Roxas.
Samantala, sinabi ni Roxas hindi pa nai-turn over sa Philippine Navy ang kade-deliver lamang na frigate mula sa manufacturer nito na Hyundae Heavy Instries (HHI) ng South Korea.
Sasailalim pa kasi sa 14-day quarantine ang mga crew ng barko sang-ayon sa striktong health protocols na ipinatutupad ng gobyerno.
Matapos ang quarantine, saka pa magsasagawa ng inspection ang TIAC Technical Inspection and Acceptance team sa warship.
Sa Hunyo 19 nakatakda ang arrival at commissioning ceremony para sa FF150, na nataon din sa birth anniversary ni Dr. Jose Rizal, kung saan hinango ang pangalan ng barko.
Ipinagmalaki ng Phil Navy na ang FF150 ay may kakayahang lumaban sa tinatawag na apat na dimensions of warfare: anti-surface, anti-air, anti-submarine, at electronic warfare.
Sa kabilang dako, sa buwan ng Setyembre nakatakdang i-deliver ang ikalawang Jose Rizal-class frigate na BRP Antonio Luna.
Nasa P18-bilyon ang sinasabing halaga ng dalawang bagong-bagong mga warship na itinuturing na “most powerful and lethal” sa mga barko ng hukbong dagat ng bansa.
“Ang inyong Hukbong Dagat ay patuloy na ginagawa ang kaniyang mandato sa pagprotekta po ng ating teritoryo at ating karagatan, sa pagdating ng bagong barko, lume-level up na po tayo, nagmo-modernize na po ang ating hukbo. Mas nadagdagan po yung ating capability para protektahan ang ating dagat,” ani Roxas.
“Hindi na rin po tayo nahuhuli sa mga kalapit-bansa natin in terms ng modern capability ng barko. Ang nasabing barko ay bagong imbentaryo na maaring gamitin ng ating mga unified commands sa anumang misyon na gusto nilang gawin.”