Nakatakdang dumating sa Pier 15 ng Manila South Harbor ngayong araw ang pinaka-bagong frigate ng Philippine Navy, ang BRP Jose Rizal (FF150).
Ito’y matapos ang kanyang matagumpay na unang misyon na paglahok sa pinakamalaking Naval exercise sa buong mundo, ang Rim of the Pacific 2020 exercise (RIMPAC20) sa Hawaii.
Mula sa Hawaii ay nagsagawa ng dalawang araw na stopover ang BRP Jose Rizal sa Guam bago naglayag pabalik ng Pilipinas.
Kahapon ay pumasok na sa karagatan ng Pilipinas ang BRP Jose Rizal at nagsagawa ito ng passing exercise sa Fuga island, Aparri, Cagayan, kasama ang isa pang barko ng Philippine Navy, ang BRP Quezon (PS70) na sumalubong sa kanya.
Ang passing exercise ay nilahukan din ng tatlong Philippine Air Force FA-50 fighter jets na nagsagawa ng “low pass” sa taas na 300 dipa mula sa dalawang barko.
Sinasabing makabuluhan ang passing exercise dahil ibinandera ng BRP Jose Rizal ang watawat ng Pilipinas sa karagatan ng Batag Island, Benham Rise at Fuga Island bilang simbolo ng presensya ng Philippine Navy sa karagatan ng bansa.