Nasa stable condition na ang dalawang Navy personnel na nasugatan matapos nagkaroon ng sunog sa engine room ng BRP Ramon Alcaraz.
Nakilala ang nasabing mga personnel ba sina F2EN (Fireman Second Class Engineman) Alvin Aldecoa at F2MR (Fireman Second Class Machinery Repairman) Joemari Bag-o, na kasalukuyang ginagamot sa isang ospital sa India matapos magtamo ng second degree burns.
Aabutin naman ng 21 araw ang repairs sa BRP Ramon Alcaraz dahil sa sunog sa engine room na naging sanhi ng pagbalik nito sa Cochin, India ilang oras lang makalipas itong tumulak pabalik ng Pilipinas kasabay ang BRP Davao Del Sur.
Ayon kay Navy Flag Officer in Command VAdm. Giovanni Bacordo, ang napinsala ay ang wirings matapos na tumalsik ang langis sa mainit na boiler na naging sanhi ng sunog.
Ang epekto aniya nito ay nawalan ng instrument readings sa bridge, pero nakaandar pa rin ang barko sa kanyang sariling power pabalik sa port of Cochin.
Sinabi ni Bacordo, kung hindi lang dahil sa quarantine situation sa India ay isang linggo lang ang aabutin ng pagkumpuni sa barko para maging 100% “seaworthy” ito sa biyahe pabalik ng Pilipinas.
Samantala, ang BRP Davao del Sur ay nagtuloy na sa kanyang biyahe pabalik ng Pilipinas, sakay ang 200,000 PPE at 18 Pilipinong na-stranded sa India, at inaasahang darating sa Maynila sa Mayo 23.