Mariing iginiit ng pinakamalaking barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua ang sovereign rights ng Pilipinas sa gitna ng patuloy na iligal na presensiya ng barko ng China Coast Guard malapit sa baybayin ng Zambales, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang statement, iniulat ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela na namataan ang China Coast Guard 3301 sa tinatayang 105 hanggang 110 nautical miles (NM) mula sa baybayin ng Zambales na pasok sa exclusive economic zone ng Pilipinas.
Bilang tugon, aktibong inisyuhan ng PCG vessel ang barko ng CCG ng radio challenge at iginiit na ang presensiya nito sa lugar ay paglabag sa Philippine Maritime Zones Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.
Sa kabila din ng masungit na kondisyon sa karagatan bunsod ng matataas na alon, nananatiling hindi natitinag ang BRP Teresa Magbanua sa misyon nito na nasa isang linggo ng nagbabantay sa lugar.
Binigyang diin din ni Comm. Tarriela na pursigido ang PCG sa pagprotekta sa maritime rights ng ating bansa, pagtiyak sa kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino, pagpapairal ng international law at pag-ambag sa paghupa ng tensiyon sa West Philippine Sea.