-- Advertisements --

Muling idineploy ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua sa may baybayin malapit sa Zambales para i-challenge ang iligal na presensiya ng barko ng China.

Pinalitan ng BRP Teresa Magbanua nitong Martes, Enero 28 ang BRP Cabra na nagtungo sa Subic port para i-unload ang labi ng mangingisdang Pilipino na narekober noong Lunes.

Sa ibinahaging video ni PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela sa kaniyang X account, makikitang aktibo ang pag-isyu ng crew ng BRP Teresa Magbanua ng radio challenge sa Chinese Coast Guard (CCG) 3304 na na-monitor na nasa distansiyang 82 hanggang 88 nautical miles mula shoreline.

Narito ang naging palitan ng radio challenge ng PCG at CCG vessel.

Maliban dito, naobserbahan din sa data mula sa Dark Vessel Detection ang presensiya ng 3 iba pang CCG vessels sa bisinidad ng Bajo de Masinloc kabilang ang CCG 5901 o binansagang “Monster ship” na nasa tinatayang 99.37 nautical miles (NM) mula sa Zambales, CCG 3502 na nasa 131.70 nautical miles at CCG 3103 na nasa 133.97 NM.

Kaugnay nito, nangako ang PCG sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga mangingisda, pagprotekta sa ating maritime jurisdiction, pagpapatupad ng international law at pagpigil na mapalala pa ang tensiyon sa naturang karagatan.