-- Advertisements --

Nakaranas ng aberya ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua na idineploy sa may Bajo de Masinloc.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, nag-overheat ang auxiliary engines ng barko madaling araw nitong Lunes kayat bumalik ito sa may pantalan ng Bataan para sa minor repairs, dahilan kayat muling nakalapit ang monster ship ng China Coast Guard sa distansiyang 67 nautical miles ng Pundaquit, Zambales.

Ipapalit naman sa BRP Teresa Magbanua ang BRP Gabriela Silang na halos kalahati ng laki ng monster ship ng China.

Sa kabila naman ng pagkakaiba sa size ng monster ship ng China sa barko ng PCG, nananatili aniyang committed ang ahensiya sa pagpapadala ng mga barko nito para protektahan ang ating maritime jurisdiction.

Nauna na kasing idineploy ng PCG ang BRP Teresa Magbanua sa naturang karagatan para itaboy ang dambuhalang barko ng China Coast Guard na umaaligid sa lugar sa pamamagitan ng radio challenge.

Ipinadala din nitong Lunes ang aircraft na PCG Islander na nagsagawa ng aerial maritime patrols at maigting na minanmanan ang monster ship.

Iginiit ng PCG Islander ang posisyon ng bansa laban sa iligal na presensiya ng Chinese monster ship sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa pamamagitan ng pag-isyu ng radio challenge.

Binibigyang diin aniya nito ang pago-operate ng CCG vessel sa loob ng hurisdiskiyon ng PH at kawalan ng legal authority ng China para igiit na nagsasagawa ito ng lehitimong maritime patrol operations.