Patuloy ang pag-challenge ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanua sa iligal na presensiya ng China Coast Guard (CCG) 3304 malapit sa baybayin ng Zambales.
Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, nitong Huwebes, namataan ang naturang barko ng China na nasa tinatayang 105-115 nautical miles mula sa baybayin ng Zambales sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
Kaugnay nito, patuloy na iginiit ng BRP Teresa Magbanua ang sovereign rights ng Pilipinas bilang tugon sa iligal na presensiya ng CCG 3304 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Masusing minanmanan din ng PCG vessel ang CCG vessel at inisyuhan ng radio challenge at inabisuhang ang presensiya nito sa lugar ay paglabag sa Philippine Maritime Zone Act, United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) at 2016 Arbitral Award.
Sa kabila din ng masungit na kondisyon sa dagat, nanatiling mapagmatiyag ang BRP Teresa sa loob na ng mahigit isang linggo.
Muli namang tiniyak ng PCG ang pagprotekta nito sa maritime rights ng PH, pagsiguro sa kaligtasan ng mga mangingisdang Pilipino, pagpapatupad ng international law at pagsisikap na hindi na mapalala pa ang tensiyon sa WPS.