-- Advertisements --

Nagpapatuloy ang pagmamanman ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Teresa Magbanu sa ilegal na presensiya ng Chinese Coast Guard (CCG) vessels na nagpapakita ng ‘erratic movements’ sa may baybayin-dagat ng Zambales, tinatayang 70-80 nautical miles mula sa pampang.

Sa isang statement na ibinahagi ni PCG spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, tuluy-tuloy aniya ang pag-radio challenged ng mga crew ng BRP Teresa Magbanua sa mga barko ng China para ipaalam sa kanila na nago-operate ang mga ito sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas, bilang pagpapakita na rin ng kanilang commitment para protektahan ang maritime sovereignty ng bansa, salig na rin sa domestic at international law.

Iginiit ng PCG crew na malinaw na walang anumang legal na awtoridad ang mga barko ng China sa pagpapatroliya sa loob ng EEZ ng PH at inatasan ang mga ito na agad lisanin ang lugar.

Sa parehong statement, sinabi ng PCG na nagkaroon ng palitan ng CCG vessel 3103 at 3304 dakong hapon ng Huwebes. Sa kabila nito, nananatili aniyang pareho ang layunin ng deployment ng mga barko ng China at ito ay para igiit ang normalization at legitimacy sa nasabing mga katubigan.

Sa kabila nito, sinabi ng PCG na hindi ito matitibag sa misyon nito na labanan ang ganitong mga pagsisikap at pigilan ang anumang normalisasyon ng ilegal na deployment ng mga barko ng China.

Kaugnay nito, sa ilalim aniya ng patnubay ni Commandant Admiral Ronnie Gavan, ipagpapatuloy ng PCG ang maigting na pagsubayby sa ilegal na presensiya ng CCG kasabay ng pagprayoridad sa pambansang interes ng PH at maiwasan ang escalation.