ROXAS CITY – Kinundena ng Philippine Army ang brutal na pagpatay ng mga kasapi ng NPA sa isang miyembro ng Community Support Program Sustainment team ng militar na naba-se sa Barangay Lahug, Tapaz, Capiz.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay Major Cenon Pancito III, spokesperson ng 3ID Philippine Army, sinabi nito na itinali ang dalawang kamay ni Corporal Frederick ‘’Lec-Lec’’ Villasis, 33-anyos, residente ng Barangay Jaena Norte, Jamindan, Capiz at patalikod na binaril ng mga miyembro ng Central Front Kilusang Rehiyon-Panay
Maliwanag ayon kay Pancito na summary executed ang biktima at walang awang pinatay na isang paglabag sa international humanitarian law.
Lumalabas sa imbestigasyon na papunta sa munisipyo ng Tapaz ang biktima sakay sa motorsiklo kasama ang angkas na si Kagawad Analyn Giganto ng Barangay Lahug, Tapaz para magfollow up ng ilang proyekto ng barangay.
Kasama rin nila ang dalawa pang motorsiklo na lulan naman ang punong barangay at mga cafgu members
Ngunit bigla silang tinambangan ng mga NPA, tinali ang mga kamay Villasis, at patalikod siyang binaril.
Hindi pa nakuntento ang mga salarin at sinunog pa nila ang motorsiklo at tinangay sa kanilang pagtakas ang baril ni Villasis.
Samantala pinasiguro ng opisyal na mananagot ang mga NPA na responsable sa brutal na pagpatay sa biktima.
Iniwan ni Villasis ang dalawang menor de edad na anak at asawang si Shella.