-- Advertisements --

Naniniwala si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Gov. Benjamin Diokno na sa kabuuan ay ikabubuti ng bansa ang pagbubukas ng ekonomiya nito sa mga foreign investors sa pamamagitan ng pagluluwag sa ilang economic provision sa Konstitusyon.

Ginawa ni Gov. Diokno ang reaksyon matapos pumasa sa final reading noong nakaraang linggo sa Kongreso ang resolusyong naglalayong amyendahan ang mga regulasyong naglilimita sa foreign investment o foreign ownership sa bansa.

Sinabi ni Gov. Diokno, kabilang sa nais niyang buksan ang educational system sa bansa kung saan pangarap nitong makita balang araw ang American o UK univeristies sa bansa at hindi na kailangang mag-abroad ang mga kababayan para makakuha ng aniya’y “superior education.”

Ayon kay Gov. Diokno, pabor din siyang luwagan ang corporate ownership gaya sa media para wala umanong monopolyo ng balita sa bansa.

Naniniwala din ang BSP governor na balakid sa pagpasok ng foreign investments sa Pilipinas ang 60-40 share of ownership na nakasaad sa Konstitusyon.

Paliwanag ni Gov. Diokno, kahit sinong investor na maglalagak ng malaking puhunan at gustong makontrol ang isang public corporation, hindi nito nanaising nasa minorya o mainority shareholder.