-- Advertisements --

Naglabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng memorandum para sa mga BSP-supervised financial institutions (BSFIs) upang palakasin ang kanilang surveillance at monitoring systems laban sa pagbili at pagbebenta ng boto, lalo na sa nalalapit na halalan sa Mayo 2025.

Ang BSP Memorandum No. M-2025-006, na nilagdaan noong Marso 23, 2025, ay nag-uutos na gumawa ng mga hakbang ang mga institusyon upang labanan ang maling paggamit ng mga digital channels, tulad ng online banking at mobile wallet applications, para sa pagbili at pagbebenta ng boto.

Bukod dito, inatasan din ng BSP ang mga oito na tiyakin na ang kanilang customer onboarding processes, fraud management systems (FMS), at account at transaction monitoring settings ay kayang pigilan ang posibleng pagdami ng mga pekeng account at transactions sa panahon ng halalan.

Iminungkahi ng BSP na bantayan ang mga senyales ng anomalya, tulad ng biglaang pagtaas ng registration ng account sa mga lugar na kilala sa pagbili o pagbebenta ng boto, malalaking cash transactions sa panahon ng halalan, kakaibang pattern ng transaksyon, at mataas na volume o halaga sa cash-in o cash-out channels.

Ang memorandum ng BSP, na kahalintulad ng mga naunang memorandum sa mga nakaraang halalan, ay tugon sa panawagan ng Commission on Elections (COMELEC) sa pamamagitan ng Resolution No. 11104, na inilabas noong Enero 28, 2025, para sa mas mahigpit na mekanismo laban sa pagbili at pagbebenta ng boto.

Nakikipagtulungan ang BSP sa COMELEC at Philippine National Police (PNP) upang tugunan ang mga election-related cases ng pagbili o pagbebenta ng boto gamit ang mga financial platforms.