Idinemanda na ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang isang netizen na nag-upload ng video sa isang social media app habang sinusunog ang P20 banknote.
Sinabi ni BSP Deputy Governor Marmerto Tangonan na inihain ang complaint laban sa naturang netizen na hindi na pinangalanan sa Quezon City prosecutor’s office sa pakikipag-ugnayan sa police Anti-Cybercrime Group.
Ayon kay Tangonan ang ginawang ito ng netizen ay labag sa batas sa ilalim ng Presidential Decree (PD) 247, Article 154 of the Revised Penal Code (RPC) at Cybercrime Prevention Act.
Sa ilalim ng PD 247, ipinagbabawal at pinaparusahan ang pagpunit, pagsunog at pagsira ng currency notes at coins na inisyu ng central bank.
Aniya, sakaling na-convict ang naturang perpetrator haharap ito ng hanggang anim na taong pagkakakulong.
Tiniyak naman ng BSP official na patuloy nilang poprotektahan ang integridad ng pananalapi bilang safe medium of exchange para sa economic growth.