Nakuha ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang “Best Recirculation/ Distribution Initiative or Innovation” award mula sa International Association of Currency Affairs (IACA) para sa paglulunsad ng Coin Deposit Machines (CoDMs) sa buong Metro Manila.
Tinanggap ni BSP Assistant Governor Rosabel Guerrero ang tropeo sa ngalan ng central bank sa seremonya para sa IACA’s “2024 Excellence in Currency Awards for Coin” na ginanap sa Lisbon, Portugal.
Ayon sa international body, ang layunin ng Coin Deposit Machines project na hikayatin ang mga Pilipino na gamitin ang kanilang mga baryang naipon kapalit ng e-wallet credits at shopping vouchers ay nagpapakita ng “forward-thinking approach” ng BSP patungo sa mas mabisa at napapanatiling pag-ikot ng barya sa Pilipinas.
Binanggit din ng award-giving entity ang positibong epekto ng CoDMs sa buhay ng mga Pilipino na maaaring gumamit ng kanilang e-wallet bilang potensyal na “gateway” sa iba pang mahahalagang serbisyo sa pananalapi.
Mula nang ilunsad noong 2023, nakalikom na ang CoDMs ng higit sa P1 billion halaga ng mga barya.
Sa tagumpay na ito, inihayag ng BSP ang mga plano para palawakin pa ang proyekto sa pamamagitan ng paglalagay ng 25 pang makina sa buong bansa sa 2025, na magdadala ng kabuuang bilang ng CoDMs sa 50.
Ang unang 25 makina ay nakalagay sa mga shopping malls sa Greater Manila Area.