Kinumpirma ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na walang mukha ng mga bayani sa bagong labas na desinyo ng mga polymer banknotes.
Paliwanag ni BSP Banknotes and Securities Management Department director Atty. Sarah Severina Curtis na tinanggal ang mukha ng mga bayani mula sa bagong P50, P100 at P500 polymer banknotes subalit mananatili pa rin ang mga ito sa perang papel na nasa sirkulasyon na.
Paglilinaw naman ni Curtis na walang tinanggal na mukha ng mga bayani sa dating perang papel at ang bagong labas na disenyo ng banknotes ay karagdagan lamang. Nais kasi aniya na ma-feature din ang iba pang mga elemento ng Filipino identities dahil bukod sa ating mga bayani, kilala din ang ating bansa sa mayamang biodiversity nito.
Dagdag pa ng opisyal na ang pag-feature sa nasabing endangered animals ay magpapataas pa ng kamalayan para protektahan ang ating kapaligiran.
Sa bagong banknotes nga na inilabas nitong araw ng Huwebes, mga native at protected animals at mga halaman kasama ang traditional local weave designs ang inilagay. Kabilang sa mga hayop na naka-feature ay ang usa na naispatan sa Visayas, ang Palawan peacock pheasant at whale shark.
Samantala, ilalabas naman sa publiko ang mga bagong polymer banknotes sa Enero 2025.