Maglalaan ng karagdagang P300-bilyon ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP)-Monetary Board para sa pamahalaan upang makatulong sa paglaban sa epekto ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa pahayag ng BSP, nagbigay na ng pahintulot ang Monetary Board sa pagbili ng government securities sa Bureau of Treasury sa ilalim ng repurchase agreement.
Ayon kay National Treasurer Rosalia de Leon, naniniwala silang mainam ang nasabing hakbang upang magbigay tulong sa national government sa pagharap nito sa krisis.
“This arrangement is the most cost-effective way for us to provide an extra lifeline to the national government to support the programs to fight this pandemic.”
Sa panig naman ng BSP, sinabi ni Governor Benjamin Diokno na sasapat ang naturang halaga para makapaghatid ng tulong sa mga apektado ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon sa loob ng dalawa hanggang tatlong buwan.
“We continue to support the government’s initiatives and objectives during the enhanced community quarantine (ECQ),” ani Diokno. “This additional amount is intended to provide support for those most affected by the ECQ, especially in Luzon, for the next 60-90 days.”