KALIBO, Aklan — Muling nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) kasunod ng napaulat na pagkalat ng pekeng pera sa Aklan.
Ayon kay Victor Ariel Dey, acting area director ng BSP Roxas Branch na kadalasang P1,000 at P500 ang pinepeke, kaya’t habilin nito na gamitin ang “Feel-Look-Tilt” method sa pagsuri ng security features ng tinatanggap na pera upang matiyak na genuine ang mga ito.
Nabatid na ilang mga vendors sa Aklan lalo na ang mga matatanda ang nabiktima ng kumakalat na pekeng P1,000 bills, kung saan huli na nang malaman nila na peke ang naibayad sa kanila.
Tiniyak naman ng BSP na biniberipika na nila ang mga ulat hinggil sa umano’y counterfeit money sa Aklan.
Ang pamemeke umano ng pera ay may katapat na parusang pagkabilanggo ng hanggang 12 years at multa na hanggang P2 milyon sa ilalim ng Republic Act No. 10951.
Iniulat pa nito na may ilang indibidwal na sa Western Visayas ang nasampolan ng kasong kriminal dahil sa pekeng pera.
Kasabay nito, hinikayat niya ang publiko na agad i-report sa kanilang tanggapan ang mga impormasyon ukol sa pamemeke ng pera o sa pinakamalapit na police station at iba pang law enforcement agency upang agad na mabigyang aksyon.
Dapat rin aniyang papalitan sa mga banko ang luma, sira ag maduming pera upang pawang mga bagong pera ang mailalabas sa sirkulasyon.
Nagbabala rin ang BSP sa mga sumisira ng perang papel at mga barya na kadalasang ginagawang singsing.