Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa publiko laban sa text hijacking, isang method o paraan ng pagpapadala ng smishing attacks kung saan gumagamit ang fraudsters ng pangalan ng SMS Sender IDs para makapagpadala ng malicious texts.
Sa inilabas na advisory ng BSP, sinabi nito na ang text hijacking ay isang modus operandi kung saan gumagamit ang fraudsters ng lehitimong text message conversations para palabasing safe o ligtas ang kanilang mga mensahe sa pamamagitan ng pakikihalubilo sa ibang messages mula sa pinagkakatiwalaang source para makapag-send ng malicious texts.
Nagpapataas aniya ito ng tiyansa para maipadala ang smishing attacks dahil lumalabas na galing ito sa lehitimong sender.
Dinadaya umano ng fraudsters ang sender ID ng financial institutions at nagpapadala ng smishing messages na naglalaman ng malicious links, na target na makakuha ng hindi awtorisadong access sa financial accounts ng kanilang mga biktima.
Kaugnay nito, nagpaalala ang BSP sa publiko na huwag i-click ang link sa natatanggap na mensahe sa SMS kahit pa ito ay mukhang galing sa bangko, e-money provider o financial institution at laging busisiin ang mga mensaheng natatanggap.
Pinayuhan din ang publiko na direktang magtungo sa mobile o internet banking facilities para sa anumang mga transaksiyon sa mga bank o e-money issuer.
Hinimok din ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang transaksiyon at aktibdiad may kinalaman sa bank o e-money accounts.