-- Advertisements --

Inalerto ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko matapos makatanggap ng impormasyon na may isang entity na pinangalanang “12 Stars Sunflower Holding Corporation” at ang sinasabing pinuno nito na si “Princess Jonah A. Seneca.”

Kinakasangkapan umano nito ang BSP para manghingi ng pera at nangangako ng bahagi ng mga pondong idineposito sa isang bank account.

Nilinaw ng BSP na hindi ito konektado at walang anumang transaksyon sa nasabing kompaniya o maging kay Seneca.

Binigyang-diin pa ng BSP na hindi ito nag-aalok, nagtataglay, o nagpapanatili ng mga deposit accounts para sa mga indibidwal.

Upang magbantay laban sa mga iligal na pag-access, pinapayuhan ng BSP ang publiko na iwasan ang pagpapadala ng pera sa mga hindi na-verify na account at mula sa pakikipagtransaksyon sa mga entity at indibidwal na maling kumakatawan sa kanilang sarili bilang mga opisyal o ahente ng BSP.

Hinihikayat din ang publiko na i-verify ang impormasyong natatanggap nila mula sa mga nasabing kompaniya at personalidad na nagsasabing konektado sila sa central bank at iulat ang anumang ilegal na aktibidad.