Naghain ng kaso ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) laban sa 6 na inarestong indibidwal dahil sa kusang pagsira ng Philippine coins o mga barya.
Sa isang statement, sinabi ng central bank na nag-ugat ang pag-aresto sa nasabing mga indibidwal mula sa hiwalay na entrapment operations na ikinasa ng Payments and Currency Investigation Group at PNP Criminal Investigation and Detection Group sa Siquijor at Boracay, Aklan. Inihain ang mga kaso sa Siquijor at Aklan Provincial Prosecutor’s Offices.
Isa sa mga kinasuhan ay natukoy bilang Jess matapos mag-viral ang kaniyang video na pagsira sa P10 barya at ginawang singsing gayundin inaresto ang isang indibidwal sa Boracay sa parehong paglabag.
Sa ilalim kasi ng Presidential Decree No. 247, ipinagbabawal ang sadyang pagsira, pagpunit, pagsusunog o pagsira ng mga perang papel at barya ng Pilipinas.
Kapag mapatunayang guilty, ang mga suspek ay maaaring makulong ng hanggang limang taon at multang aabot sa P20,000.
Kayat pinaalalahanan ng BSP ang publiko na gamitin ang lahat ng banknotes at barya ng Pilipinas nang may kaukulang paggalang at dignidad, at protektahan ang integridad ng mga ito bilang bahagi ng mayamang kultura at pamana ng bansa.