Nanindigan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na fully complied sila sa procurement guidelines na itinatadhana ng batas para sa mga pinapasok na proyekto.
Batay anila sa kumpirmasyon ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang BSP ay sumunod sa Agency-to-Agency Procurement Guidelines (Negotiated Procurement, Section 53.5, Implementing Rules of Republic Act No. 9184) at kasunduan nito sa PSA para sa printing ng National IDs.
Hindi rin umano sila nag-subcontract ng obligasyon sa AllCard, Inc. (ACI).
Ang BSP at PSA personnel umano ang siyang nangasiwa ng operasyon, habang ang ACI ay naglaan lamang ng equipment, raw materials at technical support sa ilalim ng lease and supply contract.
Maging ang Commission on Audit (COA) team na naitalaga sa BSP ay wala ring nakitang pagkakamali na may kaugnayan sa subcontracting, base sa naging review nito sa BSP transactions.
Samantala, ang nagpapatuloy na issue sa ACI, na may kinalaman sa kabiguang maabot ang contractual obligations ay nasa ilalim na ng arbitration.
Ang independent proceedings na ito ay nagsisilbing proper venue para resolbahin ang lahat ng usapin na inilahad ng ACI, at ang BSP ay nangakong tatalima sa desisyon ng may hawak na committee.
Bilang pagsasa-alang-alang sa arbitration, ang BSP ay hindi na rin maglalabas ng public statements tungkol sa mga partikular na usapin, lalo na ang may kinalaman sa proceedings.