Iniulat ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nagtala ang foreign portfolio investment o “hot money” ng net inflow na $98 million noong buwan ng Enero.
Sa datos na inilabas ng BSP, ang $98-million na net “hot money” inflow noong nakaraang buwan ay kabaligtaran ng net outflow na $524 million na ipinoste noong Disyembre 2020.
Ang net inflow noong Enero ay resulta ng gross inflows na $952 million, na nahigitan ang outflows na $854 million.
Ipinakikita rin ng $952-million foreign portfolio investments inflows noong Enero ang 12.2% na pagbaba kumpara sa $1.1 billion na naitala noong nakalipas na Disyembre.
Ayon sa bangko sentral, ang inflow at outflow ng hot money ay dahil sa ilang mga malalaking pangyayari hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo tulad ng nangyaring riot sa US Capitol, kumpirmasyon ni Joe Biden bilang ika-46 na pangulo ng Amerika, maging ang emergency use authorization na iginawad ng Food and Drug Administration para sa dalawang COVID-19 vaccines.