Hindi pinalagpas ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang naging pahayag ni dating Pang. Rodrigo Duterte na ninakaw at ibinenta umano ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang gold reserve ng bansa na nagdulot ng peso depreciation.
Maalalang ginawa ng dating pangulo ang pahayag sa Indignation Rally na ginanap sa Mandaue City nitong weekend.
Batay sa inilabas na pahayag ng BSP, ang gross international reserve ng bansa, kasama na ang mga ginto, ay bukod-tanging pinamamahalaan ng BSP upang mapanatili ang international stability at convertibility ng Philippine pero.
Ang pag-trade ng mga gold reserve, ayon sa banko, ay isang normal na aktibidad ng mga banko sentral sa buong mundo, kung saan tumataas o bumababa ang reserba depende sa trend ng global market.
Ikinatwiran pa ng BSP ang pabago-bagong presyo ng ginto habang nananatiling mababa ang interest o kita nito. Maliban dito, mataas din umano ang storage cost ng ginto, kaya’t ayaw ng maraming central bank na mag-imbak ng labis-labis.