-- Advertisements --
National ID

Pinag-aaralan na ng Banko Sentral ng Pilipinas ang pagbabago sa kontrata na pinasok nito kasama ang isang service provider upang mapabilis ang pag-imprenta ng mga National ID.

Paliwanag ni BSP Senior Assistant Governor Iluminada Sicat, ang target na bilang ng mga National ID na maimprenta ay hanggang 126,000 cards kada araw.

Gayonpaman, hindi umano ito nagagawa ng service provider at umaabot lamang ng hanggang 80,000 ID cards ang naiimprenta.

Katwiran umano ng service provider ay dahil sa operational challenge at pagbabago sa disenyo.

Paliwanag naman ni Natioanl Statistician Dennis Mapa, ang pagbabago sa disenyo ay dahil na rin sa idinagdag nilang mga datus sa buong card, at pinalaking QR code.

Sa kasalukuyan, isinasagawa na umano ng legal team ng BSP ang pag-aaral sa pinasok na kontrata upang baguhin ito, at opisyal na hilingin sa service providers na dagdagan ang naiimprentang ID Cards araw-araw.