-- Advertisements --

Hinikayat ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang mga thrift banks na samantalahin ang aniya’y limitless potential ng digital technology kabilang na ang tinatawag na cloud banking.

Ayon kay BSP Gov. Benjamin Diokno, mas mapapalawak umano ng cloud banking ang maaabot at ang potensyal ng mga maliliit na thrift banks.

Sinabi pa ni Diokno, mas mainam daw ang paggamit ng cloud dahil sa mababa lamang ang operational cost nito.

Paglalahad pa ng opisyal, nasa 20 financial institutions na ang nasa cloud banking, at nakita na rin daw ng mga rural banks na makikinabang sila sa paggamit ng naturang teknolohiya.

“Thrift banks must change from brick and mortar to embracing the promise of cloud banking. Moreover, the smaller thrift banks can take advantage of this digital tech to lower operational cost. The opportunities are limitless,” wika ni Diokno.

Ani Diokno, ang risk na kakaharapin ng digital banks ay parehas lang din sa mga normal na bangko at saklaw din sa kaparehong rules and regulations.

Sa kasalukuyan, nasa 12 thirft banks ang nag-aalok ng PesoNet, at walo ang may InstaPay, habang apat na iba pa ang may e-payment systems.

Ang InstaPay at PesoNet ay bahagi ng National Retail Payment System ng BSP na inilunsad para isulong ang digitalization ng mga transaksyon sa buong bansa.