Tiniyak ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa publiko ang tuluy-tuloy na produksiyon ng perang papel at mga barya sa gitna ng inaasahang mataas na currency demand ngayong Christmas season.
Sa isang statement, sinabi ng BSP na kadalasang tumataas ang demand para sa bago at malinis na perang papel at salapi kapag holidays dahil sa tradisyunal na pagbibigay ng mga Pilipino ng mga regalong pera o aguinaldo para sa kanilang mga inaanak, pamilya at kaibigan.
Pinaalalahanan din ng BSP ang publiko na libre ang pagpapalit ng banknotes at coins kabilang ang unfit currencies para sa malulutong na cash sa mga bangko.
Ang mga unfit banknotes ay marumi, may mantsa, may mga sulat, at may kupas na letra habang ang unfit coins naman ay may markings at may kalawang.
Hinimok din ng BSP ang publiko na ikonsidera ang pagpapadala ng e-Aguinaldo sa halip na pisikal na pera. Ang pagpapadala aniya ng cash gifts electronically ay convenient at episyente at nagtataguyod ng mas inklusibo at digital na ekonomiya ng bansa.