-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY-Hindi napigilan ng ilang miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na maghayag ng kanilang saloobin ukol sa mga humusga sa pamamahala nila sa Bangsamoro Autonous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ay matapos hindi nagustuhan subalit itinuring na malaking hamon ng BTA officials ang ilang komento na hindi umano nila kaya na patakbuhin ang Bangsamoro governance dahil nagmula sila sa armadong grupo na nakiglaban noon sa gobyerno.

Sinabi ni BTA Basic and Technical Education Minister Mohaguer Iqbal na hindi naman nila trabaho na pasayahin ang mga tao na komontra sa kanila subalit magbigay serbisyo sa kababayan nila na Bangsamoro sa rehiyon.

Inihayag sa Bombo Radyo ni Iqbal na kailangang bigyan muna sila ng pagkakataon na ilabas ang lahat ng kanilang angkin na abilidad katuwang ang mga eksperto bago sila paghusgahan.

Hindi rin naitago ng opisyal ang pagka-dismaya sa ilang miyembro ng media na panay ang banat sa kanila subalit hindi naman tinitingnan ang buong larawan ng problema na kinaharap ng Bangsamoro region.

Inamin ni Iqbal na mataas ang ipinaabot na paggalang nito sa Bombo Radyo Philippines dahil sa pagiging patas na tumalakay sa ordinaryo o sensitibo na usapin na sume-sentro sa usapin ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ibang mga isyu sa Mindanao lalo na ang BARMM.