Opisyal ng na-discharge mula sa 18 buwang mandatory military service ang main dancer at rapper ng sikat na K-pop boy band na BTS na si Jung Ho-seok o kilala sa kaniyang stage name na J-Hope ngayong araw ng Huwebes, Oktubre 17.
Si J-Hope o tinatawag din ng Army fans bilang Hobi ang ikalawang miyembro ng BTS na nakakumpleto ng kanilang mandatory military service kasunod ng eldest BTS member na si Kim Seokjin na na-discharge noong June 12.
Sa isang livestream video, makikita ang paglabas ni J-Hope mula sa training boot camp ng 36th Army Infantry Division sa Gangwon Province, sinalubong siya at niyakap at binigyan ng boquet ng flowers ng kaniyang hyung at BTS member na si Jin na nakasuot ng black sunglasses at red jacket at pants.
Sumaludo din si Hobi sa mga reporter at Army fans na nag-abang sa kaniyang paglabas.
Sa kaniyang maikling speech, kaniyang hinikayat ang publiko na suportahan ang active duty military at pinasalamatan din niya ang kanilang fans sa paga-antay sa kaniya at sa kanilang ipinakitang suporta at pagmamahal.
Hindi naman nakapunta para salubungin ang paglabas ni J-Hope ang iba pang miyembro ng BTS na sina RM, Suga, Jimin, V, at Jungkook na kasalukuyan ding nasa military service.
Matatandaan, mula 2022 hanggang sa kasalukuyan nasa hiatus ang 7 miyembro ng BTS na itinuturing ngayon na most popular K-pop boy band sa buong mundo, para sa kanilang military service.