Magbabalik Pinas ang main dancer at lead rapper ng sikat na South Korean boy band na BTS na si Jung Ho-seok o mas kilala sa kaniyang stage name na J-Hope para sa kaniyang kauna-unahang upcoming solo concert tour.
Inanunsiyo ng Korean superstar sa kaniyang Instagram post/story ang mga bansang bahagi ng kaniyang solo tour na tinawag na “Hope on the Stage” na magsisimula sa 3 back-to-back shows mula February 28 hanggang March 2 sa Seoul.
Susundan ito ng kaniyang concert tour sa iba pang cities sa US at Asia kabilang ang Manila.
Ang Asian leg tour ng Korean rapper sa Manila ay gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa April 12 at 13 , sunod sa Saitama, Singapore, Jakarta, Bangkok, Macau, Taipei at Osaka.
Ito naman ang unang pagkakataon na babalik ang isang BTS member sa PH kasunod ng “Wings” concert ng BTS noong 2017 na idinaos din sa MOA Arena.
Sa ngayon, hindi pa inilalabas ang detalye para sa ticket price sa pinananabikan ng mga Army na kaniyang concert tour.
Matatandaan, taong 2018 nang mag-release si J-Hope ng kaniyang first solo mixtape na Hope World at kalaunan ay nag-release ng kaniyang solo debut album na “Jack in the Box” noong 2022 at gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang South Korean artist na star performer sa Lollapalooza festival sa US.
Noong nakaraang taon naman ng October 17 nang madischarge si J-Hope matapos makumpleto ang 18 buwang mandatory military service.
Sa kasalukuyan, nasa indefinite hiatus bilang grupo ang 7 members ng BTS mula nang kanilang ianunsiyo noong June 14, 2022. Maliban kay J-Hope, nauna ng na-discharge sa military si Jin habang ang 5 miyembro na sina RM, Suga, Jimin, V, at Jungkook ay kinukumpleto pa ang kanilang military service.