Bumuhos ang pagbati mula sa Army fans ng K-pop superstar boy band na BTS matapos opisyal ng na-discharge mula sa mandatory military service ngayong araw, Hunyo 12 ang oldest member ng grupo na si Kim Seokjin o mas kilala sa kaniyang stage name na Jin.
Natapos na kasi ang 18 buwang military service ni Jin na pinakaunang miyembro ng BTS na na-enlist noong Disyembre 2022.
Sa paglabas ni Jin mula sa kaniyang military base, sinalubong siya ng kaniyang fellow members sa BTS na kasalukuyang nasa active military service din na sina RM, J-Hope, V, Jimin at Jungkook.
Ang pagtatapos naman ng military service ni Jin ay tila nasakto sa selebrasyon ng ika-11 anibersaryo ng BTS bukas, Hunyo 13.
Una ng inanunsiyo ng record label ng BTS na BigHit Music na papangunahan ni Jin ang Festa celebrations na may in-person event kasama ang fans ng grupo na ARMY.
Ang Festa celebration nga ay isang festival na nagtatagal ng 1 hanggang 2 linggo na puno ng mga event na dedicated para sa loyal fans ng BTS.
Samantala, inaasahan naman ang comeback ng grupo sa taong 2025.