-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —- Pinaghahandaan na ng ilang mga residente sa Aklan lalo na ang mga nakatira malapit sa dagat at ilog ang paparating na bagyong Odette sa posibleng pagdulot nito ng malakas na hangin at pagbaha.

Sa bahagi ng Barangay Mabilo at Tambak sa bayan ng New Washington, itinali ng ilang residente ang kanilang bubong at nilagyan ng pabigat upang huwag liparin.

Nabatid na maraming bahay ang pinadipa nang manalasa ang mga malalakas na bagyong Frank, Yolanda at ang pinakahuli ay ang Ursula noong December 2019 sa Aklan. Maliban dito, ilang bangka rin ang nasira.

Samantala, sinabi ni Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC)-Aklan head Galo Ibardolasa na nakipag-ugnayan na sila sa kanilang mga MDRRMCs upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Activated na rin umano ang kanilang emergency operation center simula ngayong araw ng Miyerkules, kung saan, 24/7 ang kanilang operasyon.

Naka-standby position na rin ang PNP, AFP at PCG.

Tinatayang mararamdaman umano ang epekto ng bagyo sa Aklan, bukas ng gabi hanggang Biyernes.

Samantala, ipinasiguro ng DSWD na may naka-preposition na silang 2,800 na family food packs na ipapamahagi sa mga residenteng posibleng maapektuhan ng bagyo.