-- Advertisements --

Ginulat muli ng dating nobya ni Buboy Villar na si Angillyn Gorens nang akusahan niya ang actor-comedian laban sa kaniya kabilang na ang pisikal na pang-aabuso, pangloloko, at pagpapabaya umano sa kanilang dalawang anak.

Ang mga pahayag ni Gorens ay kasunod ng interview ni Buboy kung saan binanggit niya ang kanyang bagong non-showbiz girlfriend na si Isay Sampiano at ang kanilang tatlong buwang gulang na anak.

Kahapon, Marso 26, naglabas si Gorens ng kanyang saloobin sa Facebook at sinabi niyang hindi na siya makatatagal sa patuloy na mga pambabatikos laban sa kanya at hindi na niya kayang manahimik tungkol sa mga nangyari.

Sa kanyang post na tinanggal na, sinabi niyang matagal na siyang pinagbibintangan at kinukumpara sa bagong girlfriend ni Villar, kahit na wala siyang ginagawang masama.

‘Hiningi ko kay Buboy na magsalita at ipagtanggol kami ng mga anak namin, pero hindi siya sumuporta,’ ayon kay Gorens, na tinutukoy ang kanilang dalawang anak—sina Vlanz Karollyn, 7, at George Michael, 5.

‘Ilang beses na nila ako binastos at hindi nirerespeto, at kahit na kinausap ko sila para maging maayos, hindi pa rin nila ako pinakinggan,’ dagdag nito.

Pinuna ni Gorens ang mga pahayag ni Villar na siya nirerespeto umani siya nito at ang kanilang mga anak, na ayon kay Gorens ay hindi totoo.

‘Palagi niyang sinasabi na siya ang nag-aalaga sa mga bata, pero hindi iyon totoo,’ ani Gorens.

‘Bihirang-bihira siyang nandiyan para sa kanila. Pinalalabas niya sa media na siya ang magulang na nag-aalaga, pero sa totoo lang, isang araw lang sa buong taon,’ saad pa nito.

Binanggit din ni Gorens na hindi nagbibigay ng suporta si Villar sa kanilang mga anak sa halos dalawang taon, pero nilinaw niyang hindi pera ang pangunahing isyu.

‘Hindi ito tungkol sa pera,’ paliwanag ni Gorens. ‘Nagtratrabaho ako ng dalawang trabaho sa Amerika para sa kinabukasan ng mga bata. Ang mahalaga ay maglaan siya ng oras para sa kanila.’

Pinuna pa ni Gorens ang mga magulang ni Villar, na ayon sa kanya ay nag-iinom gabi-gabi, na nagdudulot ng panganib sa kanilang mga anak.

Nilinaw din ni Gorens na hindi siya umalis kay Villar dahil sa nahihirapan ito, at sinabi niyang sinuportahan niya si Buboy kahit pa sila ay dumaan sa matinding pagsubok.

‘Hindi ko siya iniwan, kahit na wala kaming makain noong nagpapadede pa ako kay Vlanz, sinamahan ko siya sa hirap,’ wika ni Gorens.

Subalit, ibinahagi ni Gorens na umalis siya kay Villar dahil sa paulit-ulit na pangloloko at pisikal na pang-aabuso.

‘Walang katapusang panloloko. Ilang beses niya akong niloko, pero pinatawad ko siya at naghintay na baka magbago siya,’ sabi niya. ‘Pero hanggang huli, hindi pa rin siya nagbago. Wala na akong choice kundi iwan siya dahil napapagod na akong lokohin at saktan.’

Inalala ni Gorens ang mga insidente ng pisikal na pananakit sa kanilang relasyon, kabilang ang umano’y pagsakal sa kanya sa gitna ng mga argumento. Ibinunyag din niya na ang labis na pag-inom ni Villar ang nagiging sanhi ng kanyang masamang temper, na naguudyok sa pananakit at pagmumura sa kanya sa harap ng kanilang anak.

‘Pag-uwi niya, lasing, tapos puro na naman pananakit at pagmumura sa harap ng one-year-old namin,’ aniya.

Dagdag pa ni Gorens na sinadyang binangga umano ni Buboy Villar ang kanilang sasakyan habang nag-aaway sila sa araw ng kaarawan ng kanilang anak.

‘Wala pang opisyal na pahayag si Villar hinggil sa mga akusasyon ng kaniyang dating kinakasama.