Binigyang-diin ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na dapat ay mga sundalo ang bubuo sa planong pagbuo ng hit squad na tatapat sa mga rebeldeng New Peoples Army (NPA).
Ayon kay Lorenzana, pabor siya sa plano ng Pangulong Rodrigo Duterte na lumikha ng sarili nitong Sparrow unit para ipantapat sa komunistang grupo.
Sinabi ng kalihim, sang-ayon siya sa paglikha ng nasabing grupo upang malipol ang mga hit squad ng NPA pero kailangang mga sundalo mismo ang gamitin laban sa mga ito sa halip na armasan ang mga sibilyan.
Inihayag ni Lorenzana na malaking panganib kung mga sibilyang may mga armas ang magsisilbing Sparu unit ng gobyerno dahil hindi ang mga ito kontrolado ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa panig naman ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato, sinabi nito na kung bubuo ng Sparrow unit ang AFP ay kailangan itong manggaling sa elite forces tulad ng Scout Ranger at Special Forces ng Philippine Army upang matiyak na mga asintado at hindi sasablay sa target.