-- Advertisements --

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Milwaukee Bucks matapos na makuha ang makapigil hininga na Game 5 laban sa Phoenix Suns, 123-119.

Pinahiya ng Bucks ang karibal na Suns sa harap ng libu-libong mga fans ng Phoenix upang iposte ang 3-2 lead.

Sa Miyerkules posibleng ibulsa na ng Bucks ang kampeonato sa Game 6 lalo na at doon pa sa Milwaukee gaganapin ang laro.

Sa last three minutes ng 4th quarter nagtangkang dumikit ang Suns gamit ang 12-3 run matapos ang 14 points kalamangan ng Bucks.

Sinamantala ng Suns ang sablay na free throw shots ni Giannis Antetokounmpo.

Gayunman sa huli bida pa rin ang dating two-time MVP nang maipasok ang alley-oop shot mula sa pasa ni Jrue Holiday at ang crucial shot ni Khris Middleton.

Nagtapos sa game si Giannis na may 32 points, nine rebounds at six assists.

Habang si Middleton ay nag-ambag ng 27 points na dinagdagan pa ni Holiday ng 27 points at 13 assists.

Sa kampo ng Suns nasayang ang big game ni Devin Booker na kumamada ng 40 points.

Si Chris Paul ay nagpakita naman ng 21 points at may kasamang 11 assists habang si Deandre Ayton ay nagbuslo ng 20 puntos.

Kabilang pa sa naging susi nang panalo ng Bucks ay ang kanilang epektibong defensive game tulad ng ginawa nilang adjustments noong Game 4.

Huling nagkampeon ang Bucks ay noon pang taong 1971.