Asahan umanong mas gutom ang Milwaukee Bucks na maiuwi ang kampeonato sa susunod na NBA season.
Kasunod ito ng pagkabigo ng Bucks kahapon makaraan silang sakmalin ng Toronto Raptors sa Game 6 ng Eastern Conference finals.
Ngunit sa ngayon ay nakatuon ang pokus nina Bucks co-owner Marc Lasry at general manager Jon Horst sa napakaabalang off-season lalo pa’t kailangan nilang maayos ang kontrata ng tatlo nilang mga starters na sina Khris Middleton, Brook Lopez at Malcolm Brogdon.
Ilan din sa kailangan nilang pagpasyahan ang kapalaran nina George Hill at Nikola Mirotic, kasama na ang dalawang key bench players, kasabay ng kanilang pagbuo ng mas magaling na koponan sa palibot ng kanilang superstar na si Giannis Antetokounmpo.
Noong nakaraang linggo nang ma-qualify si Antetokounmpo sa limang taong supermax extension na nagkakahalagang $247.3-million, na itinuturing na pinakamalaki sa kasaysayan ng NBA.
Gayunman, hindi nito makukuha ang kontrata hanggang sa susunod na summer kung kailan din papatak ang ikapitong taon ng “Greek Freak” sa liga.
Sakaling makatuntong na sa NBA Finals ang Milwaukee sa susunod na season, maaaring mas lumaki pa ang tsansa ng Bucks na mabigyan si Antetokounmpo ng supermax contract pagsapit ng 2020.