Hinablot na ng Milwaukee Bucks ang unang ticket patungo sa final four ng NBA matapos nilang tambakan nang husto ang Boston Celtics, 116-91, sa Game 5 ng kanilang semifinal series nitong Huwebes.
Inakay ni Giannis Antetokounmpo ang Bucks na bumuslo ng 20 points, walong rebounds at walong assists para pangunahan ang anim pa nitong teammates na nagtala ng double figures.
Nag-ambag din si Khris Middleton ng 19 points, at si Eric Bledsoe na nagtapos na may 18 points para sa Milwaukee na gumamit ng balanseng atake upang idispatsa ang Boston.
Inilista rin ng Bucks ang ikaapat nilang sunod na panalo makaraang malaglag sa series opener.
“I think our mindset changed,” wika ni Antetokounmpo. “In the first game, we weren’t focused enough. We weren’t ourselves. The next four games, we came out with a different approach, a different mindset.”
Ginawa ng Celtics ang lahat upang pigilan si Antetokounmpo, ngunit sumandal ang Bucks kina Middleton, Bledsoe at sa iba pang mga players para sa scoring.
Ito ang unang beses na tutuntong sa Eastern Conference Finals ang Bucks buhat noong 2001 squad na pinamunuan nina Ray Allen at Glenn Robertson.
Hinihintay na lamang ng Milwaukee ang mananaig naman sa serye ng Raptors at Philadelphia 76ers kung saan kasalukuyang lamang ang Toronto sa kanilang 3-2 lead.