Nagpakawala ng 28 points at 17 rebounds si Giannis Antetokounmpo upang tulungan ang Milwaukee Bucks na ilampaso ang Orlando Magic 118-104 at maabot ang Eastern Conference semifinals.
Kasunod ito ng pagbabalik-aksyon ng NBA ngayong araw matapos ang tatlong araw na protesta na sinimulan ng Bucks nang tumanggi itong maglaro nitong nakalipas na linggo.
Ito ay bilang pagpapakita ng kanilang saloobin sa naganap na pagpatay sa Black American na si Jacob Blake sa kamay ng mga pulis sa Wisconsin.
Umasiste rin si Khris Middleton na nagdagdag ng 21 points at 10 boards para sa Milwaukee.
Bunsod ng panalo, nadispatsa ng Milwaukee ang Orlando sa loob ng limang laro at susunod naman nilang makakasagupa ang Miami Heat.
Hindi naman nagbunga ang 22-point, 15-rebound performance ni Nikola Vucevic para sa Magic.
Samantala, kahit na nagpatuloy na muli ang playoffs, determinado pa rin umano ang mga players na panatilihin ang pagtutok sa kanilang laban para sa social justice at racial equality sa tulong ng mga club owners at ng liga.
Nagkaisa ang mga manlalaro at liga na bumuo ng social justice coalition upang tugunan ang napakaraming isyu gaya ng pagboto, pag-promote ng civic engagement at reporma sa police at criminal justice.