Tinambakan ng NBA top team na Phoenix Suns ang defending champion na Milwaukee Bucks, 131-107, sa mistulang rematch noong huling NBA finals.
Sa ngayon lalo pang napatibay ng Suns ang kanilang NBA-best record na 45-10.
Habang ang Bucks ay nagkasya sa 35-22 win-loss.
Todo kayod ang ginawa ng mga Suns players sa harap ng kanilang fans sa pangunguna sa opensa ni Deandre Ayton na may 27 points, Mikal Bridges na nag-ambag ng 18, ang veteran point guard na si Chris Paul na nagdagdag ng 17 points at 19 assists, habang si Devin Booker ay nagtapos sa 17 points.
Para kay Paul ito na ang kanyang ika-500 career double, kung saan sa kasaysayan ng NBA siya ang ika-apat na guard na nakagawa.
Minalas naman ang Bucks dahil natigil na ang kanilang four-game winning streak.
Nanguna naman sa team si Jrue Holiday at Khris Middleton na kapwa may 21 points.
Si Giannis Antetokounmpo ay nagtapos sa 18 points, eight assists at seven rebounds.