Tabla na ang serye sa pagitan ng Milwaukee Bucks at Boston Celtics.
Ito ay makaraang gulatin ng Bucks ang Celtics, 123-102, sa Game 2 ng second round playoff sa Eastern Conference.
Bumawi rin sa kanyang performance si Giannis Antetokoumpo at nanguna sa Bucks sa pamamagitan ng kanyang 29 points at 10 rebounds.
Ilang beses na walang habas na umatake si Antetokoumpo sa basket at mistulang walang sagot ang Boston lalo na sa kanyang mga signature na powerful drives.
Nagtala siya ng 7 for 16 sa kanyang mga tira at nagpasok naman ng 13 of 18 sa foul line.
Ang kanyang teammate na si Khris Middleton ay uminit ng husto nang umabot sa pito ang naipasok mula sa 20 three-pointers ng koponan.
Dumating pa sa punto na tinambakan ng 31 points ng Bucks ang Boston pagkatapos maging dikitan ang score sa opening half.
Todo papuri naman si Bucks coach Mike Budenholzer kina Giannis, Khris at Bled sa ipinakitang intensiy para mamayani sila sa karibal na team.
“I liked our spirit, our activity, our competitiveness all up and down the roster. Giannis and Khris and Bled really set a tone,” ani Budenholzer. “We need to capture that, take it to Boston with us and play that way up there.”
Samantala sa panig naman ng Celtics si Marcus Morris ang nangibabaw na may 17 points, habang sina Jaylen Brown ay nagpakita ng 16 at si Al Horford ay nagtapos sa 15.
Inalat naman si Kyrie Irving na meron lamang nine points mula sa 4-of-18 shooting.
Taliwas ito sa eksplosibong laro na kanyang ipinakita sa Game 1 nang kumamada siya ng 26 points at 11 assists para sa 112-90 Celtics victory.
Ang Game 3 ay gagawin sa Sabado sa teritoryo na ng Boston.