-- Advertisements --

Gumawa ng season-high 24 3-pointers ang Milwaukee Bucks, daan upang pataubin ang Philadelphia 76ers, 135 – 127.

Sa panalo ng 2021 NBA Champion, gumawa ng 43 points si Damian Lillard. Ito ang pinakamataas na puntos na naipasok ng batikang guard ngayong 2024-2025 season.

Sa loob ng 44 mins na paglalaro sa court, kumamada rin si Lillard ng pitong rebounds at walong assists, daan upang pangunahan ang kaniyang koponan sa kabila ng hindi paglalaro ni Giannis Antetokounmpo.

Nasayang naman ang 39 points na ipinasok ni Sixers guard, Tyrese Maxey sa pagkatalo ng Phila, kasama ang 27 points, 12 rebounds na ginawa ng bigman na si Joel Embiid.

Naging pamatay sa Sixers ang 24 3-pointers ng Bucks.

Sa kabuuan kasi ay nakagawa ang Sixers ng 47 shots habang 46 lamang ang naipasok ng Bucks. Mas mataas din ang overall shooting percentage ng Sixers na umabot pa sa 53% samantalang 43.8 lamang sa Bucks.

Sa iba pang aspeto ng laban, lamang ang Sixers sa blocks (5 – 3), steals (9 – 7), at maging sa puntos na naipasok sa ilalim ng paint area (50 – 40).

Sa kabila nito, mas marami ang naipasok ng Bucks na libreng shot, bagay na nag-ambag ng malaki sa panalo ng Bucks. Mula kasi sa 20 free throw na iginawad sa Bucks ay nakapagpasok ito ng 19 habang 15 lamang ang nagawa ng Phila mula sa 19 na iginawad sa kanila.

Ito na ang ika-28 panalo ng Bucks ngayong season habang nananatili sa 23 ang pagkatalong nalasap habang bumagsak sa 32 losses ang Sixers, hawak ang 20 panalo.