‘Big bounce back’ ang nangyari sa panalo ng Milwaukee Bucks sa katatapos lamang na Game 3 sa nagpapatuloy na NBA finals matapos na tambakan ang karibal na Phoenix Suns, 120-100.
Muli na namang dinomina nang tinaguriang Greek freak ang two-time MVP na si Giannis Antetokounmpo ang laro na nagbuhos ng 41 big points.
Pero sa pagkakataong ito tumulong na ng husto ang kanyang mga teammates.
Kumayod din sina Khris Middleton na may 18 points, seven rebounds at six assists at si Jrue Holiday naman ay may limang three pointers at kabuuang 21 points at nine assists.
Kung maalala hindi maganda ang inilaro ni Holiday sa nakalipas na dalawang games.
Nag-combine ang dalawa para sa 39 points o katumbas ‘yan sa 8-for-17 sa three point area.
Si Giannis ay nagpakita na naman ng kanyang MVP-level game kasama na ang 13 rebounds at impresibo rin sa field goals na may 14-of-23 at sa free throw ay nagposte ng 13-of-17.
Sa naturang laro mistulang walang pantapat ang Phoenix kay Giannis na “unstappable” sa istilo na “bully-ball.”
Halimbawa na lamang ang pag-score niya ng 28 points sa loob ng paint.
Tinawag tuloy na “special game” ang ipinamalas ni Antetokounmpo para tuluyang makaiwas ng 3-0 deficit imagine ang team.
Sa panig ng Suns medyo inalat pa sina Chris Paul at Devin Booker sa ilan nilang tira.
Si Paul ay nagtapos sa 19 points at nine assists pero ang kanyang star backcourt mate na si Devin Booker ay halatang nanamlay na nagtala lamang ng 10 points.
Epektibong nalimitahan ng Milwaukee ang pamatay na 3-point success ng Suns kung saan kakarampot lamang na 9-for-31 ang nagawa mula sa record breaking na 20-for-40 noong Game 2.
“We knew that if we lose the game you’re in the hole,” pag-amin pa ni Antetokounmpo.
Dumagundong naman ang sigawan nang pagbubunyi ng mga fans sa Fiserv Forum upang isigaw ang “Bucks in 6! Bucks in 6!” nang maging malinaw na ang kalalabasan ng game.
Para sa mga Bucks players malaking bagay daw ang presensiya ng kanilang “best fans in the league” sa kanilang panalo.
Ang Game 4 ay muling gagawin sa teritoryo ng Bucks sa Huwebes, alas-9:00 ng umaga.