Dumagundong sa ingay ng mga fans ang Fiserv Forum na nasa Milwaukee sa estado ng Wisconsin makaraang maiposte ng Bucks ang kanilang come-from-behind win laban sa mahigpit na karibal na Phoenix Suns, 109-103.
Sa ngayon tabla na ang serye sa tig-dalawang panalo.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na bumangon ang Bucks mula sa pagkakasadlak sa 0-2 deficit na nangyari rin sa Eastern Conference finals nang ilampaso rin nila sa huli ang powerhouse team na Brooklyn Nets.
Una rito sa akala ng lahat ay magwawagi ang Suns dahil sa first quarter ay abanse ito, nagtabla sa first half at sa 3rd quarter ay abanse pa rin sila.
Sa ilang segundo na lamang sa 4th quarter tuluyang nakahabol ang Bucks sa pangunguna ni Giannis Antetokounmpo na may double double figures gamit ang 26 points at 14 rebounds habang nagpakita rin ng big game si Khris Middleton na kumamada ng 40 points.
Sa 4th quarter gumana ng husto ang swerte sa opensa ni Middleton kung saan sa init ng kanyang kamay may 10 straight points siyang nagawa.
“We know he’s going to make big shots and tonight he was incredible,” bahagi pa nang papuri ni Antetokounmpo kay Middleton.
Nagawang makalusot ang Bucks sa kabila na ipinakitang bounce back game ni Devin Booker na nagbuhos ng 42 big points.
Kung maalala noong Game 3 ay nanamlay ang laro ni Booker na meron lamang 10 puntos pero kanina nasayang ang kanyang nagawang matinding performance.
Ang masaklap nito ay inalat din ang kanilang veteran playmaker na si Chris Paul.
Nagpakita lamang si Paul ng 10 points at seven assists.
Binulabog ng husto ng Bucks ng kanilang malagkit na depensa si Paul.
Kaya naman maging ang ilan nilang mga role players ay nasira rin ang diskarte.
Nagpadagdag pa sa kamalasan ng Suns ay ang kanilang foul trouble.
Apat lamang na mga Suns players ang may double figures, samantalang balanse ang opensa ng Bucks na limang players ang may double figures.
Liban lamang kay PJ Tucker na kasama sa starting lineup na walang naipasok sa loob ng 29 minutos sa court.
Ang Game 5 ay gagawin sa Phoenix sa araw ng Linggo alas-9:00 ng umaga.