Nais ngayon ng Milwaukee Bucks na sibakin na nang tuluyan ang Boston Celtics sa Game 5 ng kanilang best-of-seven semifinal showdown bukas, araw ng Huwebes.
Kasalukuyan kasing hawak ng Bucks ang 3-1 abanse at target nilang tapusin na ang serye nila ng Celtics sa kanilang baluwarte sa Fiserv Forum.
Ayon kay Milwaukee guard Khris Middleton, kahit batid nilang desperado ang kanilang makakatunggali, hindi raw nila ito ikinababahala.
Bukod sa kanilang mga sarili at sa team, tanging iniisip lamang nila ngayon ay kung magagawa ba nila nang maayos ang kanilang game plan.
“We don’t really worry about them at all — who we’re playing against, who they have on their roster and whatnot,” wika ni Middleton. “All we do is worry about ourselves and our team and what we need to do.”
Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Boston star Kyrie Irving na gamitin ang pagkaagresibo ng kanyang mga teammates laban sa Milwaukee.
Sakaling magwagi ang Bucks, sila ang unang koponang uusad sa final four ng NBA, at hihintayin na lamang ang magwawagi sa hiwalay namang serye ng Toronto Raptors at Philadelphia 76ers.
Huling naglaro ang Bucks sa East Finals noong 2001 squad na binanderahan nina Ray Allen at Glenn Robertson na nagapi naman ng Sixers na pinamunuan naman nina Allen Iverson at Dikembe Mutombo.