-- Advertisements --

Wala umanong sasayanging oras ang Milwaukee Bucks at kanila agad sisimulan ang paghahanda para sa kanilang inaasam-asam na kampanya sa Eastern Conference finals.

Matatandaang tinuldukan na ng Bucks ang kanilang semifinal series ng Boston Celtics ngayong Huwebes sa Game 5, 116-91.

Kaya inaabangan na lamang ngayon ng Milwaukee ang magwawagi sa serye naman ng Raptors at Philadelphia 76ers kung saan kasalukuyang lamang ang Toronto sa kanilang 3-2 lead.

Sinabi ni Bucks forward Giannis Antetokounmpo, hindi raw sila mamimili sa pagitan ng dalawang koponan sapagkat parehas umanong mapanganib ang mga ito.

“Both teams are really dangerous,” ani Antetokounmpo. “Whoever wins that series, we got to be ready.”

Tiyak naman daw na magiging maganda ang susunod nilang round dahil siguradong malakas ang kanilang makakalaban.

Ito ang unang beses na tutuntong sa East Finals ang Bucks makalipas ang 18 taon o buhat noong 2001.

Samantala, hindi naman maiwasan ni Celtics head coach Brad Stevens na sisihin ang kanyang sarili makaraang mabigo ang kanilang koponan na makausad sa susunod na round.

Giit ni Stevens, dahil sa hindi raw nito nagampanan nang maayos ang kanyang trabaho, igugugol niya raw ang kanyang panahon para alamin kung ano pa ang mga kailangan nitong ayusin.

“I’ll be the first to say that this, as far as any other year I’ve been a head coach, it’s certainly been the most trying,” wika ni Stevens. “I think I’ve done — I did a bad job. At the end of the day, as a coach, if your team doesn’t find its best fit together, that’s on you.”

Sa ngayon, itutuon na ng Celtics ang kanilang atensyon sa summer kung saan ilan sa kanilang mga players gaya nina Kyrie Irving, Al Hordord, at Marcus Morris ay maaaring maging unrestricted free agents, bukod pa sa ilan pang mga isyung kailangan nilang sagutin.