Inilista ng Milwaukee Bucks ang kanilang ikatlong sunod na panalo matapos ang kanilang 117-89 pagtambak sa Indiana Pacers nitong Linggo ng gabi (Lunes, Manila time).
Muntik nang maglista ng triple-double si Giannis Antetokounmpo na kumana ng 18 points, 19 rebounds at siyam na assists para masira rin ng Bucks ang pagbabalik sa Milwaukee ni Malcolm Brogdon.
Sa kabila nito, masaya pa rin ang 2017 NBA Rookie of the Year sa kanyang pagbabalik sa Fiserv Forum.
“It was great to be back in Fiserv,” wika ni Brogdon. “These fans have been amazing to me. They were amazing to me tonight. They’ve been amazing to be the past three years. Just incredibly thankful for them.”
Bagama’t inangkin ng Pacers ang unang quarter hawak ang 22-21 abanse, agad namang bumawi ang Bucks na sinimulan ng isinalpak na layup ni Donte DiVincenzo upang ibigay sa Milwaukee ang 56-55 kalamangan sa nalalabing 53 segundo ng first half at hindi na kailanman lumingon pa.
Nagsilbi namang top scorer ng Pacers si Domantas Sabonis na nagpakawala ng 19 points at 18 rebounds.
Sa araw ng Martes, dadalawin ng Toronto Raptors ang Pacers, samantalang tutungo naman sa Philadelphia ang Bucks sa Huwebes.