Personal na ginalugad ni Bureau of Corrections (BuCor) chief Ronald Dela Rosa nitong araw ng Miyerkules ang kulungan ng walong Bilibid drug lords na kasalukuyang nakakulong sa Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) detention facility sa loob ng Camp Aguinaldo.
Inisa-isa ni Dela Rosa ang paglibot sa kulungan ng walong drug lords pero wala itong nakitang mga cellphone o anupamang mga gadgets na ginagamit sa komunikasyon.
Ayon kay Dela Rosa, naging “satisfied” ito sa seguridad na ipinapatupad sa loob ng ISAFP detention cell.
Aniya, dahil sa mahigpit na seguridad sa lugar, imposibleng maimplwensiyahan pa ng mga nasabing drug lords ang kanilang mga bantay.
Ang walong drug lord na ngayon ay nasa witness protection program ng pamahalaan ay kinabibilangan nina Herbert Colango; Robert Durano; Jerry Pipino; Noel Martinez; Hernan Agojo; Jaime Patio; Thomas Donina at Rodolfo Magleo.
Sa ngayon, wala pa raw balak si Dela Rosa na ibalik sa Bilibid ang walong drug lords dahil wala naman siyang nakikitang problema dito.
Binalaan din ang mga ito na huwag magtangkang bumalik sa iligal na transaksiyon dahil imbes na maging state witness ang mga ito ay maging “dying witness” pa raw ang mga ito.