Surpresang binisita ni Bureau of Corrections (BuCor) chief retired Gen. Ronald Dela Rosa ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) detention facility kung saan nakakulong ang walong high profile inmates.
Kabilang sa mga nakakulong sa ISAFP detention cell ay sina Herbert Colangco, Robert Durano, Jerry Pipino, Noel Martinez, Hernan Agojo, Jaime Patio, Thomas Donina, at Rodolfo Magleo.
Ang mga nasabing drug personalities ay tumestigo laban kay Sen Leila de Lima.
Layon ni Dela Rosa ay para makita ang kalagayan ng mga drug lord at ayon sa kaniyang obserbasyon, tila malabo na magkaroon ng drug transaction sa loob dahil napakahigpit ng seguridad.
Binalaan din ni Dela Rosa ang walong drug lord na kahit sila ay mga “state witness,” ay maaari silang maging “dying witness” kung patuloy ang mga ito sa kanilang mga iligal na transaksyon.
Sa ngayon, wala pang plano si Dela Rosa na ibalik sa Bilibid ang walong high profile inmates.
Samantala, tiwala ang dating Philippine National Police (PNP) chief sa mga guwardyang nagbabantay na hindi basta-basta masusuhulan dahil composite ang mga ito na binubuo ng BuCor, at PNP-Special Action Force.