Hinamon ni Bureau of Corrections (BuCor) director Gerald Bantag ang kanyang mga tauhan na patayin siya kung hindi nila masikmura ang ipinapatupad niyang mga reporma sa ahensya.
Nagbanta rin si Bantag na mas marami pang mga tiwaling BuCor personnel ang masisibak na aniya’y tutol sa mga pagbabagong ipinapatupad sa New Bilibid Prison (NBP).
Kahapon nang pangunahan ni Bantag at ng iba pang mga opisyal ang pananagasa ng pison sa iba’t ibang klase ng cellphone, charger, keyboard, internet router, at pocket wifi.
Kabilang din sa mga nakumpiska ang mga laptop, DVD player, at mga rolyo ng tabao at sigarilyo.
Ayon pa kay Bantag, hindi pa rin tuluyang nasasawata ang transaksyon ng iligal na droga sa pambansang piitan dahil nakalulusot pa rin ang mga cellphone.
Ibinunyag din ng hepe ng BuCor na nagbabayad umano ang mga preso ng hanggang P200,000 para lamang maipuslit ang isang cellphone sa kulungan.
Samantala, bubuo umano sila ng isang technical working group na pangungunahan ni BuCor spokesman at NBP south quadrant superintendent Alberto Tapiru upang pangunahan ang mga ipapatupad na reporma.